Archive

  • ISPSC, Sabay-Sabay na Naglunsad ng Buwan ng Wika 2025 sa Lahat ng Kampus

    BALITA  ISPSC, sabay-sabay na naglunsad ng Buwan ng Wika 2025 sa lahat ng kampus

    Sabay-sabay na inilunsad ng Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 noong Agosto 4, sa pamamagitan ng sabayang flag ceremony sa lahat ng kampus ng pamantasan.

    Ngayong taon, ang pagdiriwang ay may temang "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa." Ipinakilala ang tema sa flag ceremony, kasama ang pagsusuot ng ASEAN-inspired attire bilang simbolikong suporta ng mga guro, mag-aaral, at kawani sa adhikaing pangwika at pangkultura.

    Pinangunahan ng mga koordineytor ng Sentro ng Wika at Kultura ng ISPSC ang pagbubukas ng pagdiriwang sa kani-kanilang mga kampus: si Bb. Marjorie Pendaden para sa Tagudin Campus, si Dr. Aileen Rovira para sa Cervantes Campus, si Dr. Jane Moreno para sa Main Campus, si Dr. Geraldine Gonzaga para sa Candon Campus, si Dr. Ranec Azarias para sa Santiago Campus,si Dr. Monita Pops Ambrocio para sa Santa Maria Campus, at si Dr. Michelle Lazarte para sa Narvacan Campus. Sa kanilang pangunguna, matagumpay na naiparating ang layunin ng pagdiriwang at ang mga inihandang aktibidad para sa buong buwan.

    Ang mga aktibidad para sa Buwan ng Wika 2025 ay nahati sa mga sumusunod na lingguhang gawain: mula Agosto 4–8, isasagawa ang Eksibit ng mga Aklat na magtatampok ng mga akdang pampanitikan at babasahing nagpapayabong sa wikang Filipino at kulturang Pilipino. Sa Agosto 11–15, idaraos ang Pagdiriwang Pangkampus, kung saan gaganapin ang iba’t ibang patimpalak tulad ng Pagsulat ng Sanaysay, Baraptasa, at iba pa. Sa Agosto 18–22, isusulong ang Pagtatatag ng Ugnayan o Linkages kung saan makikipag-ugnayan ang mga kampus sa ibang institusyon para sa benchmarking at pagpapalitan ng kaalaman. 

    Samantala, sa Agosto 27–28, magaganap ang Tertulyang Pangwika, isang malayang talakayan ukol sa mga usaping pangwika at pangkultura. Tatapusin ang buwan sa Agosto 29 sa pamamagitan ng Rebyu ng mga Panukalang Pananaliksik at Ekstensyon, na layuning palakasin ang mga proyektong may temang wika, kultura, at pananaliksik sa pamantasan.

    Ang sabayang paglulunsad na ito ay patunay ng pagkakaisa ng buong ISPSC sa hangad na pagpapayabong at pagtataguyod sa wikang pambansa at mga katutubong wika bilang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan, identidad, at pagkabansa. (Lei Ann Sevilleja, PRPIO Coordinator)

    #ISPSC #UniversityOfIlocosPhilippines #OnwardsUIP