Archive

  • Pelikula, Filipino at AI tinalakay sa ISPSC Sine-Tertulya 2026

    Itinampok ng Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC) ang pelikula bilang lunsaran ng talakayan sa wikang Filipino, kultura, at artificial intelligence sa isinagawang Sine-Tertulya 2026 noong Agosto 27 sa Main Campus, kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. 

    May temang “Sine-Tertulya – Pelikula, Wikang Filipino, at Artificial Intelligence,” ibinahagi sa aktibidad ang mga piling pelikula at dokumentaryo ng direktor at film-maker na si Ginoong Dexter Macaraeg, na siya rin nagsilbing pangunahing tagapagsalita. Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga mag-aaral at guro ng ISPSC.

    Sa kaniyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rommel Tabula, Dekano ng College of Teacher Education (CTE) sa Main Campus, ang kahalagahan ng pag-uugnay ng pelikula, talakayan, at teknolohiya sa pagkatuto at pakikipagtalastasan.

    “Napapanahon at makabuluhan ang kaganapan dahil pinag-uugnay nito ang tatlong mahahalagang larangan: ang sine bilang anyo ng sining at salaysay, ang tertulya bilang espasyo ng makabuluhang talakayan, at ang artificial intelligence bilang makabagong teknolohiyang mabilis na nagbabago sa paraan ng ating pagkatuto, paglikha, at pakikipagtalastasan,” ani Dr.Tabula.

    Samantala, binigyang-diin ni Dr. Ana Blesilda Atendido, na kumatawan kay Dr. Jocelyn Absolor, Vice President for Research, Development and Extension, ang papel ng wika, kaalaman, at inobasyon sa paghubog ng kinabukasan.

    Ayon kay Atendido, mahalagang gamitin ang wikang Filipino bilang daluyan ng kaalaman at inobasyon tungo sa pagpapaigting ng pagkakakilanlan at malasakit sa bayan.

    Ipinaliwanag naman ni Dr. Monita Pops F. Ambrocio, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, na layunin ng Sine-Tertulya na mapalalim ang pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pelikula.

    “Ang pelikula, bilang isang uri ng literatura, ay repleksyon ng ating kabuhayan, kultura, at pagiging Pilipino,” banggit ni Dr. Ambrocio.

    Sa talakayan, ibinahagi ng Film-maker na si direk Macaraeg ang kaniyang karanasan sa industriya ng sining at literatura, kasabay ng pagpapalabas ng kaniyang mga piling pelikula at dokumentaryo, kabilang ang Protected Hill, Salidumay, Tata Pilo, at Am-amma (Heirloom).

    Itinatampok sa mga nasabing obra ang mga kuwento ng pamayanan, kultura, pamanang katutubo, at identidad, na nagsilbing lunsaran ng talakayan hinggil sa papel ng pelikula at panitikan sa pagpapahayag ng karanasan at kultura ng mga Pilipino.

    Sa pamamagitan ng aktibidad, isinulong ng ISPSC ang paggamit ng pelikula bilang plataporma sa pagtalakay sa wika, kultura, panitikan, at mga umuusbong na teknolohiya gaya ng artificial intelligence. (EMQT)
    Photos by Hannah B. Galutan
    #ISPSC  
    #UniversityofIlocosPhilippines  
    #OnwardsUIP